Oras na!!

Thursday, January 06, 2011

Bigyan Mo Ako ng Tali.

(courtesy of Google Images)


Bigyan mo ako ng tali. Kung iniisip mo'y siguro ako'y magbibigti. Hindi. Bigyan mo ako ng tali. May bagay lang akong iniisip. Tali. Lubid. Pisi. Mahaba. Buti pa sya mahaba. Samantalang ako. Maikli. Maikli ang pagkakataon para sa akin. Maikli rin ang panahon na ginugugol sa bawat bagay. Maikli din ang kapalaran na naghihintay sa akin. Salamat sa tali. Nailalabas ko ang bigat ng aking saloobin. Salamat. Malaki ang pagkakaiba natin. 

Tali. Gusto kong lumambitin. Ako ay iyong buhatin at iduyan sa kawalan. Para kahit minsan, aking maramdaman na ako ay gumaan. Sa bigat ng aking pasan. Sana matibay ka. Di tulad ng damdamin kong marupok tulad ng kahoy na inaanay. Para na rin ako'y nakasabit hanggang kelan ko naisin. Tali. Pwede kang dugtungan ng kapwa tali. Lalong humahaba. Lalong lumalakas ang pag-asa. Lalong mas maligaya. Mas lalong lumalaki ang pagkakataon na ako'y buhatin ng kaibigan mong hangin. Kahit minsan lang.
Minsan ako ay nagselos. Nagtampo. Kayakap mo ay puno. Pero ng aking masulyap. Ikaw pala ay nagdurusa. Pinuputol na puno. Pero alam ko. Ikaw ay walang kasalanan. Sumusunod ka lang  sa kagustuhan ng kapalaran. 

Tali. Kinakapitan kita. Wala kang buhay. Bakit ikaw ay kinakausap. Ako ba ay baliw. Marahil ay hindi. Naiinggit lang ako sa iyo. Minsan. Nakita uli kita. Kakabit ang saranggola. Malayang lumilipad kapiling nya. Hinawakan kita. Nasambit kong, isama nyo ako. Kahit na isang minuto. Maranasan kong gumaan. Pati kaluluwa ko ay isabay nyo na din. Kung sakali ako ay mabigat. Pagbigyan mo na. Marahil bitbit ko din ang lungkot nitong damdamin.

Tali. Kinakapitan kita. Ibuhol mo ako sa piling mo. At sana ay di na makawala pa. Ipulupot mo ako. Upang sila ay mahirapang baklasin at upang hindi na rin muli pang makabitiw. Hihigpitan ko lalo ang kapit. At kung sakaling maputol man. Ako ay gagawa ng paraan. Upang magdugtong muli, at hindi na muling magkawalay. Sa huling sambit.

Bigyan mo ako ng tali.


No comments:

Post a Comment

Friends and friends and just friends. :)